Maaga palang ay naghahanda nanaman ang lahat. Binyag ngayon ni Von, ang aking bagong pinsan at bagong dagdag sa aming pamilya. At sa ilang sandali ay madadagdag na rin siya sa milyon-milyong Katoliko sa mundo. Mapapasama na rin siya sa Pamilya ng Diyos.
Nauna kami sa simbahan. Ito ang simbahan na halos bumigay na nung lumindol ng taong 2000. Ngayon, sa tulong ng mga tao dito ay naiayos nila ito ulit. Ngunit may mga nabago na rin sa itsura nito sa loob.

Mapapansin na wala na ang dating altar na nandito. Kung nandoon ka ay makikita mo ang mga linya na ginuhit ng dating altar sa dingding kung saan nakatayo ang mga Santo. Pasalamat na lang at nanatili parin ang mga Communion Rails at mga altar sa tabi nito. Kahit papaano, kung maibabalik man ang Traditonal Latin Mass ay kaunting pagbabago na lang ang gagawin dito.
Matapos ang binyagan ay isang salu-salo muli sa aming bahay. Dumating ang ilang bisita para bumati at binati nanaman ng mga masasarap na pagkain ang aking sikmura. Hindi ko mapigilang kumain at patuloy akong kumakain. Kada-oras ng araw na iyon ay ngumunguya ako. Bumabawi parin sa matagal na pagkagutom sa dorm.
Nang dumating ang hapon ay nagpasiya kami na pumunta sa Bay Walk. Dito ay makikita mo ang paglubog ng araw, pag-uwi ng mga mangingisda at pagsindi ng ilaw para sa mga taong gumagala sa gabi. Ako at ang aking mga pinsan ay tumakbo sa malawak na lugar na iyon. Tinatapon ang mga bato sa dagat, sinasalubong ang hangin sa aming mga braso at naglalaro na parang mga bata muli. 4 na kaming mga nasa-kolehiyo at ang iba naming mga pinsan ay nasa edad sampu pababa. Pero iba ang saya kapag kasama mo ang iyong pamilya. Sa puso ko, may bumubulong, na ang mga pagkakataong ganito ay hindi dapat sinasayang.
Hindi kinakalimutan
–Roi
Pusong bata parin.
[Part of the Blog Everyday of April Project]